BAGUIO CITY – Aabot na sa mahigit P12 million ang danyos sa mga nasira sa sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng bagyong Quiel sa Apayao.
Batay ito sa inisyal na report ng Department of Agriculture (DA) – Cordillera kung saan nakasaad na mahigit P4 million ang danyos sa industriya ng pagmamais at mahigit P7 million naman sa high value crops.
Apektado sa naranasang malakas na pag-ulan ang 15 na magsasaka ng mais at higit 1,200 na magsasaka ng mga high value crops.
Ayon kay Dr. Cameron Odsey, DA-Cordillera regional director, nasira rin ang mga taniman ng mga high value crops na may lawak na aabot sa 126 ektarya habang partially damaged ang 305 ektarya na natamnan ng mais.
Sa ngayon, patuloy aniya ang pag-monitor ng ahensiya sa epekto ng nasabing bagyo sa Apayao at pagkuha nila ng karagdagang datos sa iba pang danyos sa ibang industriya sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nakatakdang magsagawa ang Cordillera Regional DRRM Council at ang DA-Cordillera ng Rapid Disaster Assesment and Needs Analysis ukol naging epekto ng bagyong Quiel sa rehiyon ng Cordillera, partikular sa Apayao para maibigay ang kaukulang tulong sa mga naapektuhang magsasaka.