Nasa P122 milyon halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasabat sa dalawang magkahiwalay na buybust operations na ikinasa ng PNP at PDEA sa Makati City at Muntinlupa City, Lunes ng gabi dakong alas-9:40.
Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, pitong drug suspeks ang naaresto ng mga operatiba sa isinagawang buybust operation sa kahabaan ng Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo Makati City at Tunasa, Muntinlupa City.
Kinilala ni Sinas ang unang dalawang suspek na inaresto sa Makati sina Kemin Manisi, alyas Taba, 49-anyos at Abdulrahim Ysmael, alyas Indeg, 28-anyos pawang residente ng Barangay Maharlika, Cagayan De Oro.
Lima ang naarestong drug personalities sa Muntinlupa City na nakilalang sina Liezel Julhasan, alyas Manay, 40-anyos; Donnalyn Julhasan, 21-anyos; Rovelyn Enot, 40-anyos; pawang residente ng Muntinlupa City; Denver Porlahe, alyas Kuya Dong, 19-anyos, at Sharifa Kuly, 28-anyos, pawang residente ng San Pedro, Laguna.
Isang police poseur buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspeks at naging dahilan sa kanilang pagkaka-aresto.
Matapos na magkapalitan ng pera at shabu ay agad na inihudyat ang pagdakip sa mga suspek kung saan nakuha sa mga ito ang 16 na balot ng Daguanyin refined Chinese tea pack kung saan naglalaman ng tig-isang kilo ng shabu kada pakete na may street value na P108,800,000.
Nakumpiska din sa mga suspek ang P1 milyon buybust money at isang itim na Ford Everest na gamit ng mga suspek sa kanilang transaksyon.
Sa operasyon naman sa Muntinlupa City, nakuha sa mga suspek ang tinataytang nasa dalawang kilo ng shabu na may street value na P13.6 milyon.
Ayon pa kay Sinas, patuloy pa ang ginagawang anti-illigal drug operation hindi lang sa Metro Manila pati na rin sa mga lalawigan na pakay ay ang pagdakip sa mga High Value Target (HVT) at pagsamsam sa malalaking bulto ng iligal na droga at sa maayos na pakikipag-ugnayan na rin sa PDEA.