BACOLOD CITY – Umaabot sa P127,000 cold cash ang nakumpiska ng mga pulis mula sa magkapatid na inaresto kaugnay ng vote buying sa EB Magalona, Negros Occidental kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Captain Jaynick Bermudez, hepe ng EB Magalona Municipal Police Station, incidental lang ang kanilang pagkahuli kina Jocel Etang, 24, at Johnniel Etang, 23, mga residente ng Sitio Panaosawon, Barangay Tuburan, EB Magalona.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na mayroong nahuli ang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng isang lalaki na may dalang armas sa Barangay Tuburan kaya’t nagresponde ang mga otoridad.
Nang sinita ng BPAT ang mga lalaki at pinatanggal ang kanilang helmet, nagtangka umanong tumakas ang magkapatid ngunit nahawakan ng isang BPAT member ang driver sa kamay at sila ay natumba.
Doon na nahulog ang 127 brown envelopes na may sample ballots na may nakaipit na P1,000.
Nakalagay sa sample ballot ang slate ni Negros Occidental 3rd District Board Member David Albert Lacson na tumatakbong alkalde sa EB Magalona.
Tumangging magbigay ng pahayag ang magkapatid ngunit ayon sa mga pulis, napag-utusan lang umano sila ng mga kandidato.
Kulong ngayon sa EB Magalona Municipal Police Station ang magkapatid na Etang at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9006 o Fair Election Act.