CEBU – Nasa P13.6 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa buy-bust operation sa Barangay Biasong, Talisay City noong Biyernes ng hapon, Agosto 26, 2022.
Maliban dito, nadakip din ng Talisay City police si Albert Guia, 32, at tatlong menor de edad ang nasagip sa operasyon.
Tatlong 15-anyos na lalaki umano ang inilarawan ng pulisya na kasama umano ni Guia, na mula sa bayan ng Loon, lalawigan ng Bohol, ang ginamit bilang mga drug courier.
Nabatid na walang permanenteng tirahan si Guia at pansamantala lamang itong naninirahan sa Barangay Maribago, Lapu-Lapu City.
Samantala, ibinunyag ni Police Major Joey Bicoy, hepe ng Intelligence and Drug Enforcement Units ng Cebu Police Provincial Office, na ang tatlong menor de edad ay mula sa Barangay Calamba, Cebu City.
Nasamsam ng pulisya sa mga suspek ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon.
Dagdag pa ni Bicoy, ang mga menor de edad na ito ay binabayaran ng P1,000 hanggang P2,000 sa bawat matagumpay na paghahatid ng ilegal na droga sa mga customer.