-- Advertisements --

laguna1

Arestado ang isang notorious drug suspect na nakuhanan ng P13.6 million halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operations kagabi.

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) officer in-charge Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang inarestong drug suspect na si Eddarfeel Baloni Sakilan alyas Kalbo, 42-anyos na tubong Maguindanao at kasalukuyang nakatira sa St Joseph Village, San Pedro, Laguna.

Nahuli si Sakilan ng mga pinagsanib na puwersa sa pamumuno ni Lt. Jonathan Sosongco, Philippine Drug Enforcement Agency-4A, police intelligence branchLaguna Police Provincial Office at San Pedro City Police Station.

Si Sakilan ay notorious drug courier na kumikilos sa area ng Region 3, National Capital Region, Region 4A at sa Mindanao area.

Nakumpiska sa posisyon ni Sakilan ang nasa dalawang kilo na hinihinalang shabu na may market value na P13.6 million.

Nakumpiska rin sa suspek ang isang kotse, isang cellphone at P2,000 cash money.

Batay sa imbestigasyon, kasabwat siya ng isa pang nahuling drug suspek sa Cavite na nagngangalang Michael Romualdez.

Ayon kay Eleazar, ang mga illegal drug supplies ay galing sa isang Chinese national na nakipag-ugnayan sa kanila gamit ang international number mula sa Hong Kong.

Binubuo aniya ng Filipino-Muslim at Chinese nationals ang illegal drug group na ang modus ay gumamit ng iba’t ibang sasakyan sa kanilang transaksyon.

Nabunyag ang illegal drug operations matapos makapasok sa grupo ang isang personnel ng PNP-Drug Enforcement Group sa drug syndicate sa pamamagitan ng confidential informant.

Paglabag sa Section 5 and 11, Article II of Republic Act 9165 ang kakaharapin ni Sakilan.