Kinumpirma ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., na ang patuloy na mga operasyon ng gobyerno laban sa iligal na droga ay nagresulta sa pagkakalikum ng P13.67 bilyong halaga ng shabu, marijuana, cocaine at ecstasy hanggang sa taong ito.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Abalos na ang mga kontrabando ay nasamsam ng mga pulis sa isinagawang 23,515 na operasyon sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 21.
Ang mga operasyong ito, ani Abalos, ay nagresulta naman sa matagumpay na pagkakaaresto ng 28,804 na indibidwal.
Ayon kay Abalos ,ang mga nasabat na ilegal na droga ay kinabibilangan ng 1,779.73 kilo ng shabu; 3,559.04 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana; 4,951,655 halaman ng marijuana; 26.62 kilo ng cocaine, at 4.17 kilo ng ecstasy.
Mula Hunyo 17 hanggang 21 lamang, sinabi ni Abalos na nagsagawa ng 111 anti-drug operations ang PNP, na humantong sa pagkakaaresto sa 123 indibidwal at pagkakasamsam ng P52.34 milyon halaga ng shabu at marijuana.
Pinuri niya rin ang Calabarzon regional police office, ang Drug Enforcement Group at ang Central Visayas regional police office sa pagiging top three performing units sa kampanya laban sa ilegal na droga.