Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang P13.2-milyong halaga ng marijuana na nakasilid sa mga lata sa Port of Clark sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa BOC, natuklasan nila ang kontrabando matapos idaan sa profiling at x-ray examination ang dalawang shipments na may laman umanong whey samples mula sa California.
Nagduda na raw ang customs examiner nang matuklasan na natatanggal ang label na nakalagay sa 14 na mga lata ng umano’y healthy meal formula na Herbalife.
Tumambad na lamang sa mga otoridad na hindi whey samples kundi mga marijuana na nakalagay sa plastic sachets ang nakasilid sa mga lata.
Mahigit 11 kilo ang kabuuang timbang ng mga nasabat na marijuana, na itinurn over na ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 3.