-- Advertisements --

CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ang isang high value target na drug personality matapos makuhanan ng mahigit P13 million na halaga ng ipinagbabawal na gamot sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. Cogon Ramos sa lungsod ng Cebu.

Nahuli ang suspeka na si Rico Rubi, 19, residente ng Brgy. Labangon ng nasabing lungsod sa isinagawang operasyon ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nasabat naman ng pulisya ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 million mula kay Rubi na umano’y naging miyembro ng isang bigtime drug group.

Ayon sa hepe ng Fuente Police Station na si Major Eduard Sanchez, ibinenta umano ni Rubi ang nasabat na shabu online.

Dagdag pa ni Sanchez na posible umanong nagsimula sa pagbebenta ng droga ang subject sa murang edad.

Napag-alaman na nasa bilangguan ang ama ng drug suspect dahil sa kaso ng iligal na droga.

Nahaharap naman si Rubi ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.