-- Advertisements --

10 takas pdl

Nag-alok na ng nasa mahigit Php100,000 na halaga ng pabuya ang Southern Police District at lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasay para sa sinumang makakapagbigay ng detalye o kinaroroonan ng mga bilanggong tumakas mula sa Malibay Police station sa Pasay City kaninang madaling araw.

Sa ulat, pinatungan na ng tig-Php 100,000 na halaga ng pabuya ng SPD ang kada ulo ng mga tumakas na pugante, habang Php 30,000 naman ang inialok kada ulo rin ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano mula sa kaniyang sariling bulsa.

Batay sa pinakahuling update ng SPD, lima na mula sa 10 mga presong nakatakas sa nasabing bilangguan ang naaresto nang muli ng mga otoridad kabilang sina Christian Salvatera, Joey Hernandez y Gabriel, Eden Garcia y Rodriguez, Tirzo Galit y Navarro, at Joshua Panganiban.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa hepe ng Pasay City Police na si PCOL Froilan Uy, pinuwersang sirain ng mga pugante ang rehas na bakal ng kanilang kulungan, napansin naman daw ito ng nakaduty na bantay nang oras na iyon ngunit naunahan itong atakihin ng mga tumakas na preso.

Dahil dito ay agad na ikinasa ng mga otoridad ang manhunt operation laban sa mga nakatakas na bilanggo.

Kaugnay pa rin sa insidenteng ito ay inaatasan na rin ni NCRPO Chief PMGEN Edgar Alan Okubo si Southern Police district Director PBGEN Kirby John Kraft na sibakin sa puwesto ang commander ng malibay sub-station 6 na si PMAJ Jerry Sunga.

Ito ay upang magbigay daan sa isasagawang imbestigasyon ng mga otoridad habang inatasan din niya si PCOL Ronald Laoyan, ang acting director ng regional internal affairs ng NCRPO upang magsagawa ng motu propio investigation hinggil sa pangyayaring ito.

Samantala, bukod dito ay ipinag-utos din ni PMGEN Okubo na dapat mahuli na ng mga tracker teams ang iba pang natitirang mga bilanggo sa loob lamang ng 48 oras mula sa ikinakasang manhunt operations, habang binigyan naman ng 24 na oras ni Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano ang Pasay City Police station na dakpin at ibalik sa kustodiya ng pulisya ang nasabing mga nakapuslit na pugante.

Sa ngayon ay patuloy pa ring pinaghahahanap ang mga sumusunod:

  • Ricardo Dela Cruz
    Carlo Magno Benavidez y Legaspi
    John Michael Cabe y Medellin
    Romeo Estopa y Marasigan

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, tatlo sa mga bilanggo ang nagawang basagin ang iron bar ng main facility at pagkatapos ay hinawakan at hinampas ng mga ito ang duty jailer at saka kinuha ang kaniyang service firearm nito, pera at iba’t-ibang susi sa naturang kulungan.