Matagumpay na naharang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang dalawang indibidwal matapos makuhanan ng P13M na halaga ng ilegal na droga.
Isinagawa ng ahensya ang kanilang interdiction operation Macapagal Boulevard, Pasay City.
Sa isang pahayag, sinabi ni NBI NCR Regional Director Rommel Vallejo, may nagpaabot aniya ng impormasyon sa kanilang hanay na mayroong magaganap na malakihang transaksyon ng droga.
Ang naturang transaksyon ay pinamumunuan umano ng mga Chinese.
Paliwanag ni Vallejo, ilang araw nilang minanmanan ang subject at natuklasan nila na dadalhin sa isang condominium sa Macapagal Avenue.
Kaagad na hinarang ng mga operatiba ang taxi sakay ang umano’y courier ng mga drug syndicate.
Bumulaga sa kanila ang isang malaking kahon na may lamang tape dispenser kung saan dito nakasiksik ang mga droga.
Tumitimbang ito ng 20 kilo at may street value na aabot sa P13M.
Itinatanggi naman ng taxi driver na kilala niya ang kanyang mga naging pasahero at iginiit na wala siyang kinalaman sa insidente.
Samantala, nasa pangangalaga na ngayon ng NBI ang dalawang suspect at sila ay sasampahan ng kasong may kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.