Humigit kumulang P141.38 million ang halaga ng inisyal na pinsala at nawala sa sektor ng agrikultura sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Karding.
Sa initial damage assessment nitong Lunes ng Department of Agriculture (DA), nasa 16,229 ektarya ng sakahan ang apektado sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon, at Calabarzon.
Ito ay katumbas ng volume ng production loss na 5,866 metric tons ng mga commodities gaya ng palay, mais at high value crops na nakaapekto sa 740 magsasaka.
Bilang tugon, sinabi naman ng DA na may available na assistance para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda kabilang sa mga tulong na ito ang nasa 133,240 sako ng rice seeds, 5729 sako ng corn seeds at 4,911 kilo ng assorted vegetable seeds.
Mayroon ding drugs at biologics para sa livestock at poultry at fingerlings at assistance mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Maaari ding i-tap ng ahensiya ang Survival and Recovery (SURE) Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) at P500-million worth of Quick Response Fund (QRF) para naman sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.