Makakatanggap ng kabuuang P14 million na pabuya ang mga impormante na nagbigay ng tips na humantong sa pag-aresto kay KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy at 4 na iba pang kapwa akusado ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo.
Tikom naman ang bibig ng PNP official sa kinaroroonan ng mga informant para na rin aniya sa obvious reasons, ito ay para sa kanilang kaligtasan.
Hindi din makumpirma ni Col. Fajardo kung ang mga informant ay nasa loob ng KOJC compound sa Davao city.
Una ng inanunsiyo ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang patong sa ulo ng noon ay puganteng pastor na P10 milyon habang tig-P1 milyon naman sa iba pang 5 kapwa akusado ni Quiboloy.
Matatandaan na ayon sa PNP, naaresto sina Quiboloy kabilang ang 4 pa nitong kasamahan na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada at Sylvia Cemanes sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) compound sa Davao city noong Linggo.