Pinaiimbestigahan ng mga Kongresista ang nasa P15.5 bilyong advance payment na ibinigay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital sa ilalim ng kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) program.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Miyerkoles, sinilip ng mga kongresista ang legalidad at pagiging transparent ng IRM program, na ipinatupad ng Duterte administration.
Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas mayroong mga alegasyon na nauwi lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ang pondong inilabas ng PhilHealth.
Pinuna rin ni Brosas ang pagkabigo ng kinatawan ng PhilHealth na sagutin ang lahat ng mga katanungan kaugnay ng programa na ipinatupad ng nakaraang administrasyon.
Kinuwestyon din ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang legalidad ng paggamit ng pondo ng PhilHealth para maging kapital ng mga pribadong ospital at ospital ng gobyerno.
Kinuwestyon din ni Appropriations panel vice chair Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo kung papaano pinili ang mga ospital na binigyan ng pondo mula sa IRM program.
Ipinatupad ang IRM program sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kinumpirma ng PhilHealth na ang pangulo at CEO ng ipatupad ang IRM ay si Ricardo Morales, isang retiradong Army general.
Sa mosyon ni Garin, inutusan ng komite ang PhilHealth na isumite ang mga dokumento kaugnay ng IRM.
Hiniling din ng komite sa PhilHealth na isumite ang pangalan ng mga opisyal na kasali sa paglikha ng programa.
Nagsasagawa ng pagdinig ang komite upang malaman kung papaano ginastos ng mga ahensya ang pondo na inilaan sa kanila ng Kongreso.