Hindi kinagat ni Sen. Panfilo Lacson ang paliwanag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagsasabing na-liquidate na ang mahigit 92% ng P15-bilyong sinasabing nawala sa kurapsyon.
Ayon kay Lacson, magkaiba ang liquidation sa audited na pondo na kahit nakita kung saan ginastos ang pondo, hindi nangangahulugan na sang-ayon sa batas ang paggastos dito.
“Liquidation is different from audit. Say, if public funds were spent not for COVID-19 as required under the IRM, but for dialysis centers and infirmaries which are clearly not authorized, it can still be declared as liquidated, but it doesn’t mean that funds were legally disbursed,” saad ni Lacson.
Giit ng senador, iligal ang nangyari kaya may ilang dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHealth ang nahaharap sa kasong kriminal sa imbestigasyon na pinangunahan ng Department of Justice (DOJ).
Kung maaalala, inihayag ni PhilHealth President Dante Gierran na liquidated na ang mahigit 92% ng P15-bilyon na ginastos sa Interim Reimbursement Mechanism, overpricing at iba pa.
“Sa totoo lang po, hindi po nawawala, andiyan lang… Sa ngayon po 92% na ang liquidated. So [kakaunti] na lang po [ang hindi pa],” wika ni Gierran.
“I will not allow that iyong pera ng Pilipino nawala. Galing ako sa NBI po, hindi puwedeng mangyari sa akin iyan,” dagdag nito.
Sa ginanap na imbestigasyon ng Senado, nadiskubre na umabot sa P15-bilyon ang ibinulsa umano ng ilang opisyal ng ahensiya sa pamamagitan ng iba’t-ibang uri ng panloloko.
Inakusahan ni dating anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na may sindikatong mafia sa PhilHealth na kinabibilangan umano ng mga matataas na opisyal na ginagatasan daw ang kompanya sa loob ng maraming taon.
Kasama umano sa ginagawang pagnanakaw ng sindikato ang IRM, at overpricing sa pagbili ng kagamitan sa information and technology.