-- Advertisements --

Hinihimok ni Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang administrasyong Marcos Jr. na bigyan ng P15,000 production subsidy ang mga magsasaka lalo na yung matindi ang naging pinsala sa mga lupang sakahan dahil sa hagupit ng bagyong Karding.

Batay sa pinaka huling pagtaya ng Department of Agriculture (DA) nasa 1.7 milyong ektarya ng mga pananim ang napinsala ng bagyo sa Luzon.

Sa bilang na ito, halos 1.5 milyon ay mga sakahan para sa produksyon ng bigas.

Binigyang-diin ni Brosas na dapat hanapan ng pondo ng gobyerno para mabigyan ng tulong ang mga magsasaka dahil malakki ang nalugi sa kanila Rice Tariffication Law at mahal na presyo ng langis, at ngayon nama’y winasak ang kanilang pananim dahil sa bagyo.

Sinabi ng mambabatas na maaaring kunin ng Pangulo ang magagamit na balanse mula sa contingent fund at mga bahagi ng unprogrammed fund na nakalaan para sa cash assistance para sa mga rice farmers.

Isinusulong din ni Brosas ang pagsama ng P15,000 production subsidy para sa 9.7 milyong magsasaka at mangingisda sa proposed 2023 budget.

Ayon sa mambabatas maaaring humingi ng pondo para dito mula sa mga hindi malinaw na lump sum items gaya ng redundant LGU support funds lalo na ang NTF-ELCAC pondo.

Batay sa pinagsama-samang datos ng lahat ng rehiyon sa Luzon, ang lugar ng mga nakatayong pananim na posibleng maapektuhan ng ‘Karding’ ay umabot sa 1,469,037 ektarya para sa palay at 281,322 ektarya para sa mais.