Nakukulangan si Vice Pres. Leni Robredo sa pondong inilaan ng gobyerno para sa mga programa at function ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Robredo, hindi sapat ang P15-million fund ng komite lalo na’t malawak ang responsibilidad nito sa pagsugpo ng illegal drug trade sa bansa.
Umaasa ang pangalawang pangulo, na ngayon ay co-chairperson na ng ICAD, na habang nakabinbin pa sa Senado ang 2020 budget ay mabibigyang pansin ito ng mga mambabatas para ikonsiderang taasan.
Para kasi kay Robredo, bukod sa ICAD, kailangan din ng hiwalay na pondo ang implementasyon ng Philippine Anti-Drug Strategy (PADS) na binubuo ng higit 80-indicator na siyang metric o sukatan ngayon ng tagumpay ng anti-drug war.
“Ngayon, Ka Ely, ang pondo na nakasalang ay P15 million. Tingin ko, kulang iyon. Dahil sa… dahil sa lawak ng responsibilities. Humihingi rin ng pondo para ma-implement itong Philippine Anti-Drug Strategy. Iyong sa akin, galing na sa House of Representatives iyong budget so tututukan natin sa Senado kung mabibigay,” ani Robredo.
Nangako naman daw sa bise presidente si Sen. Panfilo Lacson na isusulong at dedepensahan nito sa mga kapwa mambabatas ang budget para sa war on drugs campaign ng gobyerno.
Sa ngayon kasi, walang pondo na naka-linya para sa ICAD sa ilalim ng panukalang P1.4-trilyong 2020 national budget na ipinasa ng Kamara.
“Pero, noong kausap ko si Senator Ping, sabi niya siya naman daw iyong magdedefend. Ang sinasabi niya, “Sabihin niyo kung ano pa iyong kulang para mahingi natin.” So magsa-submit kami.”
Samantala, iginiit ni Robredo na tapat siya sa kanyang interes na sumama sa mga drug operations.
Una na kasi siyang pinayuhan ni Sen. Lacson na huwag ng sumama sa mga operasyon dahil sa issue ng seguridad.
Ngayong araw nakatakdang makipag-pulong si Robredo sa mga representatives ng United Nations Office on Drugs and Crime para makita ang resulta ng mga pag-aaral ng tanggapan kaugnay ng anti-illegal drugs.
Inaasahan din na ngayong linggo ay makikipag-pulong ang bise presidente sa US Embassy at Law Enforcement Cluster ng ICAD.