BAGUIO CITY – Arestado ang apat na kalalakihan at nakumpiska sa kanila ang aabot sa P15-milyong halaga ng marijuana at iba’t ibang paraphernalia sa drug buy-bust operation na isinagawa ng mga otoridad sa Purok 4, Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Nakilala ang mga nahuli na sina Jehoshaphat Agod alyas “Deo,” 23, driver; Ceasar Marngo alyas “Cyrus,” 35, dating nahuli sa Quezon City dahil din sa iligal na droga; Ganipis Baggas alyas “Ganip,” 34, magsasaka, at si Joey Marngo, 28, pawang mga residente ng bayan ng Tinglayan.
Nakumpiska mula sa mga ito ang higit kumulang 100 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana, habang narekober naman ang pitong bungkos ng boodle money.
Nasabat pa sa mga suspek ang isang baril na may pitong bala, tig-isang hand held radio, polo-shirt athletic police uniform, passbook at passport, tatlong wallet, apat na cellphones, iba’t ibang susi at ang van at motorsiklo na ginamit ng mga ito sa transaksyon.
Ayon kay P/Col. Job Russel Balaquit, acting provincial director ng Kalinga PNP, ang mga nahuli ay pinaghihinalaang mga kasapi ng isang big-time drug group na may operasyon sa Cordillera Region, Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Naniniwala ang mga otoridad na may alam ang nasabing sindikato sa teknolohiya ng pagproseso ng marijuana para gawing vape oil na binebenta nila sa mga millennials batay na rin sa nakalap nilang impormasyon.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ipinangako naman ni Balaquit ang paghihigpit pang kampanya ng Kalinga PNP laban sa iligal na droga.