Aabot sa kabuuang P150 billion ang kailangan isaoli ng Meralco sa mga consumer nito kung pagbabatayan ang re-computed weighted average cost of capital (WACC).
Ayon kay dating Energy Regulatory commissioner Alfredo Non, sa kanyang pagkukuwenta, dapat irefund sa Meralco customers ang:
—P2,700 kada buwan para sa mga kumukunsumo ng 200 kwh kada buwan
—P9,500 kada buwan sa mga may konsumo ng 300 kwh kada buwan
—P15,500 kada buwan para sa mga may konsumo ng 400 kwh per month at
—P51,000 sa mga may konsumo ng 1,000 kwh o mahigit kada buwan.
Naisumite na ni Non sa ERC ang kanyang proposed computation.
Sakop aniya ng computation ang bagong rates na dapat isingil ng Meralco sa mga customer nito kapag natapos na ang refund
Sinabi ni Non na nararapat ang refund dahil naniningil ang Meralco ng P1.47 per kwh kahit ang provisional authority rate ay nasa P1.38 per kwh.
Mula aniya 2012 hanggang ngayon, ang average billing rate ng Meralco ay P1.47 per kwh kung kaya nag overbill na umano ito ng P0.09 per kwh,
Samantala, nanindigan ang Meralco na ang lahat ng rates ay aprubado ng ERC at tumatalima lamang ito sa kautusan ng ERC kaugnay sa cost adjustment.