Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) ang P150-milyong halaga ng pinaniniwalang smuggled car parts.
Sinasabing nanggaling ang kontrabando mula sa China.
Sa bisa ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) ng BOC, sinalakay ang Maxtro Marketing Corporation at Bestat Auto Parts Corp. sa bahagi ng No. 419 Quirino Highway, Barangay Talipapa sa Quezon City bandang alas-12:30 ng tanghali kahapon, Hunyo 26.
Pagmamay-ari umano ng isang Filipino-Chinese businessman ang auto parts store at limang warehouse.
Sa kasagsagan ng inspeksyon, nakita ng raiding team ang limang warehouse sa loob ng compound kung saan tumambad ang nakatambak ang iba’t ibang spare parts, car accessories, truck parts, auto parts, at iba pang gamit mula sa mga kilalang Japanese car manufacturers gaya ng ng Toyota at Mitsubishi.
Namataan din sa compound ang packaging materials na may naka-imprint na “Made in Japan”.
Nagbabala naman ang BOC Intelligence Group (IG) sa publiko na maging maingat at alerto laban sa mga modus operandi ng ilang negosyante.
Siniguro rin ng ahensya na patuloy na papangalagaan ng pamahalaan ang publiko mula sa mga mapansamantalang traders.