Tiniyak ng pamunuan ng Grab Philippines na tatalima sila sa naging kautusan ng Philippine Competition Commission (PCC) na pagbabayad ng mahigit P16-milyong multa dahil umano sa overcharging.
Ayon sa Grab Philippines, nirerespeto nila ang findings ng PCC at kanilang ibabalik ang P14.15-milyon mula sa kabuuang multa sa mga pasahero nito.
Una rito, batay sa monitoring ng anti-trust watchdog, sobra-sobra raw ang paniningil ng pamasahe ng ride-hailing app mula Mayo 11 hanggang Agosto 10 lalo pa at wala itong kakumpetensya.
“Passengers who availed of Grab’s service between May 11 to August 10 this year, or the fourth quarter of the initial undertaking, shall expect the rebate within 60 days through GrabPay credits,” saad ng PCC.
Maliban dito, pinagmumulta rin ng PCC ng dagdag na P2-milyon ang Grab dahil nakitaan nito ng pagtaas ng insidente ng driver cancellations ang ride-hailing app.
“It’s only P14.15 million which will be refunded to passengers. That’s the part of the last fine corresponding to their pricing commitment,” pahayag ni PCC Commissioner Johannes Benjamin Bernabe.
“The balance of P2 million is for another breach relating to their service quality commitment. This P2 million will be remitted to the National Treasury,” dagdag nito.
Batay sa imbestigasyon ng PCC, pumalo sa 7.76 percent ng kabuuang bilang ng bookings ang kinansela ng Grab drivers, na lagpas sa pangako ng Grab na panatilihin lang sa 5 percent ang kanselasyon.
Nitong nakaraang buwan din nang patawan ng P23.3-milyong multa ng PCC ang Grab dahil sa paglabag sa kanilang voluntary commitments.