Umaabot sa 24 na kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD) sa inilunsad na anti-illegal drugs operation kagabi ng hatinggabi, June 12 sa Sta. Ana, Maynila.
Tinatayang nasa P163 million ang katumbas na market value ng nasabing droga.
Nakuha sa isang luggage ang kontrabando sa isinagawang follow up buy bust operations ng mga pulis mula sa Caloocan City.
Ang sangkaterbang iligal na droga ay iprinisinta sa harap ng mga mamahahayag sa PNP headquarters sa Camp Crame sa pangunguna nina DILG OIC Sec. Eduardo Ano, PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde at NCRPO chief Dir. Guillermo Eleazar.
Samantala, arestado naman sa operasyon ang dalawang suspeks na mag-ina na nakilalang sina Ian Akira Calabio y Manalang alias Ian, 26, habang natukoy naman ang nanay nito na si Ruby Calabio y Manalang, 61, kapwa mga residente ng No. 2641 Interior 21, Pasig Line, Barangay 778, Zone 85, Sta. Ana, Maynila.
Bukod sa mga pake-paketeng droga na inilagay sa Chinese tea bags na nakuha sa posisyon ng mag-ina, nakuha rin ang tatlong maliit na heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 5.0 grams shabu, isang luggage bag na colored silver na naglalaman ng 24 piraso rin ng heat sealed plastics na may shabu na may isang kilo ang timbang at ang narekober na P30,000 buy bust money.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang inihahanda na isasampa sa Manila City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Albayalde malinaw na smuggled ang mga nakuhang pake-paketeng shabu na nakasilid sa isang luggage.
Hindi naman matukoy ni Albayalde kung saan ito galing pero posible umanong galing China dahil sa Chinese markings na nakalagay dito.
Itinuturing naman ni Gen. Eleazar bilang malaking accomplishment ang pagkakasabat sa kilo-kilong shabu lalo pa’t posibleng malawak din ang operasyon ng mga suspek sa kalakhang Maynila.