Target ng pamahalaan na magkaroon ng halos P16 billion panukalang pondo para sa feeding program ng mga bata sa mga paaralan para sa susunod na taon.
Ito ay 45% o P4.9 billion na mas mataas kumpara sa aprubadong alokasyong pondo para ngayong taon na mayroon lamang P10.89 billion.
Ayon kay House Deputy Speaker and Batangas Rep. Ralph Recto, maaaring may katumbas na 857 million meals ang pondong P15.795 billion para sa 2024 upang gawing malusog ang mga batang kulang sa nutrisyon.
Base kasi sa 2024 National Expenditure Program, humiling ang Department of Education (DepEd) ng P11.711 billion para sa feeding program nito sa mga paaralan habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay humiling ng P4.084 billion para sa kanilang supplementary feeding program.
Nitong kasalukuyang taon, sinabi ng mambabatas na base sa data, nakapagbigay ang Deped sa mahigit 1.6 million estudyante ng isang meal kada araw sa loob ng 120 araw habang ang DSWD naman ay nakapamahagi ng isang meal para sa 120 araw sa mahigit 1.7 million benepisyaryo.
Sa feeding program ng DepEd sa mga paaralan, saklaw dito ang mga estudyante mula kindergarten hanggang Grade 6 mula sa mahihirap na pamilya at sa mga batang dumaranas ng stunting o pagkabansot.
Habang sa supplemental feeding program naman ng DSWD ay para sa mga batang edad 3 hanggang 5 taong gulang na nasa daycare at iba pang child development centers.