-- Advertisements --

CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng dalawang indibidwal matapos masabat ang aabot sa P17.7 million pesos na halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy bust operation nitong weekend sa lungsod ng Cebu.

Unang naaresto sa isinagawang operasyon sa Brgy. Bulacao ang isang regional level high value individual na kinilalang si Ramil Gabaca, 29 anyos, matapos nakumpiska mula sa posisyon nito ang humigit-kumulang 605 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4.1 million pesos.

Inihayag ni Cebu City Police Office Director PCol Ireneo Dalogdog na dati nang naaresto si Gabaca dahil sa ilegal na droga at nakalaya lang ito noong Pebrero 14.

Dagdag pa, may nakuha na rin umano silang pangalan kung sino ang source nito ngunit hindi pa nila pwedeng pangalanan dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Samantala, makalipas ang ilang oras,arestado sa operasyon sa Brgy. Basak San Nicolas ang isang kinilalang Ariel Lipumano alias “Bungot”, 32 anyos, kung saan nasabat mula sa posisyon nito ang hindi bababa sa dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 million pesos.

Makapagdispose pa umano ng 1 hanggang 2 kilo ng shabu kada linggo si Lipumano sa mga kalapit na barangay gaya ng Tisa, Pardo at Mambaling.

Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.