-- Advertisements --
OWWA Hans Leo Cacdac
OWWA Administrator Hans Leo Cacdac

Aabot na raw sa P18 billion ang nagastos ng pamahalaan sa pagpapalikas ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa iba’t ibang bansa matapos tumama ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic noong nakaraang taon.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Association (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, ang pagtaya na P18 billion ay nagastos mula 2020 hanggang ngayong taon.

Kabilang sa naturang pondo ang food, hotel accommodations at transportation expenses na ginamit sa repatriation ng mga OFWs.

Sinabi ni Cacdac na gumagastos daw ang OWWA ng P30 million kada araw para lamang bayaran ang mga hotel na ginagamit bilang quarantine facilities.

Una rito, sa pinakahuling budget hearing ng Department of Labor and Employment (DOLE)-OWWA, ipinaliwanag ni Cacdac na ang “all-time high” P11.2 billion na gagamitin para sa emergency repatriation sa susunod na taon.

Posible pa raw itong umabot nang hanggang P14 billion kapag isasali ang sahod ng mga OFWs.

Bago ang pandemic, sinabi ni Cacdac na mayroong pondong P1 billion ang OWWA kasama na rito ang sahod ng mga OFWs.

Samantala, sa ngayon daw ay aabot na sa 540,000 displaced OFWs ang nakatanggap ng P5.4 billion mula sa Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program.

Ipagpapatuloy naman ang pagbibigay ng financial aid para sa AKAP program sa buwan ng Enero dahil sa mga backlogs sa Bayanihan 1 at 2.