-- Advertisements --
escobal1
PRO-5 Regional Police Director, PBGen. Arnel Escobal

Arestado ang isang Nigerian businessman matapos mahulihan ng nasa P18 milyon halaga ng iligal na droga sa ikinasang operasyon ng mga otoridad bandang alas-2:15 kaninang madaling araw sa may Zone 3, Triangulo, Naga City.

Ayon kay Philippine National Police (PNP)-Region 5, regional police director B/Gen. Arnel Escobal, ang pagkakaaresto sa banyagang negosyante ay bunsod ng kanilang pinalakas na kampanya laban sa iligal na droga.

Ayon sa heneral ikinasa nila ang back to back operation kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency kung saan nakabili ng nasa 200 gramo ng shabu ang kanilang confidential informant mula sa suspek na Nigerian na may market value na P400,000.

Kinilala ni Escobal ang dayuhan na si Azubuike Obiaghanwa Onwigbolu, 32-anyos, nakatira sa Angeles City.

Nakarekober din ang pulisya ng isang plastic bag na pinaniniwalang laman nito ay shabu na may market value na P1.36 million

Inihayag pa ni Escobal na batay sa isinagawang inventory, nasa P16 million pang halaga ng iligal na droga ang nasabat sa posisyon ng Nigerian national.

Bago kay Onwigbolu, una nang nadakip ng mga pulis sa Naga City kahapon ang isa ring Nigerian national na nakilalang si Mbaneto Sopuluchuwu, a.k.a Hermann Kurt Philip, 22-anyos na nagsisilbing mediator; at isang Judith Balaquio-Camacho, 46.