-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kung ang grupong Bantay Bigas daw ang tatanungin, kulang pa na maituturing ang P19-per kilo na buying price na ipinataw ng National Food Authority (NFA) sa produktong bigas ng mga lokal na magsasaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng tagapagsalita na si Cathy Estavillo na dapat pa ring ikonsidera ng mga otoridad ang tuluyang pag-alis sa 100-percent clean at 14-percent dry na criteria pagbili.

Dapat din daw sana hindi bababa sa P20 ang presyong itakda bilang farm gate price.

Ayon kay Estavillo, karamihan sa mga magsasaka ay walang “post harvest facility” o imbakan ng mga aning palay kaya sariwa nila kung ibenta ang mga ito.

Dagdag pa nito, makabubuti kung ikokonsidera rin ng NFA ang pagbili sa palay ng local farmers kahit hindi panahon ng ani.

Isa raw kasi ang bigas sa mga maituturing na basic commodity sa pagkain at tiyak na magmamahal ang presyo nito habang tumatagal.

Pinuna naman ng Bantay Bigas spokesperson ang Survival and Recovery (SURE) Aid na P15,000 ng gobyerno.

Sa ilalim kasi nito,makakatanggap ng ayuda ang mga magsasakang may isang ektarya pababang lupa.

Babayaran ito sa loob ng walong taon ng walang interes na singil.