-- Advertisements --

Isinusulong ng isang mambabatas ang paglikha ng P1 billion Nursing Education Support Fund upang matugunan ang kakapusan ng mga nurse sa mga ospital.

Ayon kay Makati City 2nd district Rep. Luis Campos Jr., makakatulong ang naturang pondo sa mga state universities at colleges para makapagtatag ng kanilang sariling nursing schools at makapag-produce ng karagdagang practitioners.

Sa inihain nitong House Resolution No. 1510 hinihimok ng mambabatas ang House Committee on Appropriations, Higher and Technical Education, and on Health na magkaroon ng naturang pondo para sa pagtatayo ng bagong nursing colleges sa 73 SUCs na wala pang Bachelor of Science in Nursing program.

Binigyang diin ng mambabatas na ang pag-empower sa SUCs para makapagproduce ng mga kwalipikadong BSN graduates ay magpapalakas sa kapasidad ng bansa para matugunan ang demand sa mga nurse dito sa Pilipinas at sa ibang bansa sa mga darating na taon.

Inihayag pa ng mambabatas na mula sa 117 SUCs, tanging nasa 44 lamang o 37% tertiary institutions ang mayroong nursing schools.

Samantala, base sa report mula sa World health Organization, ang kakulangan ng nurses sa bansa ay inaasahang papalo sa 249,843 pagsapit ng taong 2030 maliban na lamang kung mag-iinvest ng malaki ang pamahalaan para mapanatili ang mga ito sa local health sector. – EVERLY RICO