-- Advertisements --

Maituturing na criminal negligence ang pagkabigo ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte na gamitin ang P2.08 bilyong pondo sa ilalim ng 2023 Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) dahil naglapit ito sa kapahamakan sa mga mag-aaral.

Ito ang binigyang-dinn nina House Assistant Majority Leaders Paolo Ortega and Jay Khonghun.

Sa panahon ng pamumuno ni Vice Duterte sa DepEd noong nakaraang taon, naglaan ang Kongreso ng P2.14 bilyon para sa Disaster Preparedness and Response Program (DPRP) at P2 billion para sa Quick Response Fund (QRF) o kabuuang P4.14 billion.

Ang naturang halaga ay bukod pa sa P2.24 billion DRRM Funds na hindi nagamit mula sa nakaraang mga taon.

Sinabi nina Ortega at Khonghun na nabigo ang DepEd na gamitin ang pondong ito para tiyakin na mayroong sapat na pasilidad sa mga pampublikong paaralan para malimitahan ang epekto ng kalamidad at banta sa kalusugan ng mga estudyante, guro, at school support staff.

Ayon sa ulat ng COA, tinukoy na sa Region 11, sa ilalim ng Schools Division Office (SDO) ng Island Garden City of Samal, may nakitang mga bitak sa mga silid-aralan at mga gusali ng paaralan na ginagamit pa rin. Partikular dito ang paaralang elementarya ng Libertad, Guilon at Cogon.

Sa San Jose National High School na nasa parehong SDO pa rin, hindi magamit ang TLS dahil hindi pa nailipat ang linya ng kuryente kaya kahit na mapanganib ay patuloy na ginamit ng mga estudyante ang lumang gusali.

Nakasaad sa DepEd Department Order No. 024 s. 2021 ang gagamitin ang mga TLS upang maiwasam ang pagkaantala ng mga klase sa panahon ng sakuna o emergency habang nagbibigay ng ligtas na mga pasilidad sa pag-aaral.

Nagbabala ang mga auditor na dahil sa mahinang pagpaplano at hindi wastong pangangasiwa ng mga pondo upang makumpleto ang TLS ay napilitan ang mga mag-aaral sa paggamit ng mga hindi ligtas na silid-aralan na maaaring magresulta sa karagdagang mga biktima kung muling magkaroon ng malakas na lindol.

Mula sa pondong P2,138,322,997.59, inilipat ng DepEd Central Office ang P2 bilyon mga regional offices at iniwan ang balanseng mahigit P138 milyon.

Ayon sa ulat ng DepEd noong 2023 na inilabas ng Commission on Audit (CoA), ang DepEd regional offices sa Central Luzon (RO 3), Eastern Visayas at Caraga (RO 13) ay may hindi nagamit na pondo mula sa DRRM Funds.
Bigo rin ang DepEd RO 8 na sumunod sa kinakailangang pamamahagi ng DRRM fund na 70 porsiyento para sa disaster preparedness at 30 porsiyento para sa QRF.

Ang mahinang pamamahala ng pondo ng DepEd sa ilalim ni Duterte ay nagpahina sa fiscal discipline lalo na bukod pa sa natuklasang mga iregularidad ng mga auditors sa paggamit ng disaster funds.

Ilan sa mga natukoy na iregularidad sa paggastos ng DRRM ay ang paggamit nito para sa biyahe, accommodation, at seminars ng mga SDO officials, hindi magandang pagkakagawa sa mga gusali ng paaralan at support facilities, hindi napagtuunan ng pansin na mga trabaho sa istruktura ng paaralahan, at pinekeng mga ulat sa natapos at estado ng mga gusali.