Kinumpirma ng Cebu Pacific Air na umaabot na sa P2.4 billion ang kanilang naibibigay na refund sa mga pasahero mula nang ipatupad ang mga kanselasyon ng biyahe dulot ng COVID crisis.
Ang naturang halaga ay 50% umano ng mga natanggap na refund request.
Sa ngayon meron pa silang nakabinbin na mga kahilingan na inaasikaso na rin.
Sa dami umano ng mga request mula noong buwan ng Abril, nagkaroon tuloy na mga backlog.
Nagpaliwanag pa ang airline company na umabot lamang sa 10% ang naibalik sa kanilang operasyon.
Humingi naman ng paumanhin ang Cebu Pacific sa kanilang mga kustomer kasabay nang pagtitiyak na ginagawa nila ang lahat kahit malaking hamon ito sa kanilang kakayahan.
“We remain committed to our customers to complete pending refunds, and will update them once these have been processed,” bahagi pa ng statement ng Cebu Pacific. “We understand how challenging this whole situation is, and we sincerely apologize for the delay.”