-- Advertisements --

Nakumpleto na ng Quezon City government ang pamamahagi ng nasa P2.48 billion financial assistance mula sa national government nuong Huwebes, limang araw bago ang itinakdang deadline ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, as of August 28, nasa kabuuang 2,339,420 individuals o nasa 747,520 families ang nakatanggap na ng kanilang ayuda mula sa ibat ibang distribution centers sa siyudad.

Subalit nasa 89,154 households pa ang hindi na-claim ang kanilang pinansiyal na tulong dahil hindi ang mga ito dumating sa kanilang iskedyul.

Inihayag ng alkalde na kanila na rin sisimulan ang payout para sa unclaimed ayuda beneficiaries.

Kaya hinimok nito ang mga beneficiaries na tumutok sa FB page ng siyudad para sa announcement.

Binigyang-diin ng alkalde na matagumpay nilang naipamahagi ang cash assistance kasabay ng striktong pagsunod ng minimum health and safety protocols kung saan limitado lamang ang bilang ng mga beneficiaries na nagtutungo sa mga payout centers.

Siniguro naman ni Mayor Belmonte na kanilang tutugunan ang mga reklamo na natanggap ng grievance committee at kapag may natitira pang pondo sila ang magiging priority.

Samantala, umabot na sa 2,424,353 million doses ng bakuna ang naiturok ng #QCProtekTODO Vaccination Program.

Sa kabuuan, 1,674,301 o 98.49% ng 1.7 Million na target population ang nabakunahan na ng first dose sa siyudad sa kabila ng limitadong supply ng bakuna.

Ayon kay Mayor Belmonte, malaking bagay ang magpabakuna lalo na ngayong may Delta variant.

Umakyat naman sa 750,052 o 46.70% ang nakatanggap na ng kanilang second dose.

Hinihikayat ni Belmonte ang QCitizens na magrehistro na sa QC Vax Easy upang makatanggap ng schedule ng pagbabakuna.

Ang mga nabibigyan ng schedule ay alinsunod sa first in, first out system o prayoridad na mabakunahan ang mga naunang nakapagrehistro at depende pa rin sa supply ng bakuna na dumarating sa lungsod.