Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabat na mga pekeng kagamitan sa One Logistics Center, Taft Avenue Extension, Pasay City na nagkakahalaga ng P2.5 billion.
Posible umanong maharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines (RA 9283) at Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863) ang mga mapapatunayang sangkot sa pag-import ng mga counterfeit goods.
Kabilang sa mga pekeng kagamitan na nasabat ng Bureau of Customs (BoC) ang mga items na mayroong brand na Christian Dior, Gucci, Channel, Louis Vuitton at Fendi at iba pa.
Ang inspection na isinagawa ng BoC Intelligence Group (IG), Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Division (CIIS-IPRD) at BoC-Port of Manila (BoC-POM) ay para malaman sana kung mayroong posibleng paglabag sa Intellectual Property Right (IPR) ang naturang mga pinaghihinalaang smuggled counterfeit goods.
Nangako naman ang BoC na patuloy silang magiging mahigpit sa pagpapatupad ng batas lalo na ang anti-smuggling at border protection mandates.