Umaabot umano sa P2-bilyon kada araw ang nawawala sa Pilipinas kada araw dahil sa mga umiiral na restriksyon upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“According to the Secretary of Finance, araw araw ngayon hanggang matapos ‘tong COVID, araw araw we are losing P2 billion na pera para sana ‘yun sa mga tao,” wika ni pangulong Duterte sa kanyang weekly briefing.
“The workers, the Filipino workers would have earned that money kung ang ekonomiya natin gumagalaw,” dagdag nito.
Noong nakalipas na linggo nang ihayag ng National Economic and Development Authority na pumalo sa P1.4-trilyon ang nawalang kita sa mga Pinoy noong 2020 dahil sa mga ipinatupad na community quarantine.
Paglalahad ni acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua, nasa P801-bilyon ang natapyas sa paggastos noong nakaraang taon, o halos P2.2 billion kada-araw.
Umabot naman umano sa P1.4-trilyon o P2.8-bilyon kada araw ang nawala sa impak nito sa trabaho at multiplier effect.
Sa kabuuan, umabot sa P23,000 kada empleyado ang nawala sa kanila.