-- Advertisements --

Tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na tinatayang P2 billion ang nakalaang relief assistance o tulong para sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng Bagyong Odette.

Ito aniya ay sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasimot na ang pondo bunsod ng Coronavirus Disease-2019 pandemic.

“Si Pangulong Duterte has already committed P2 billion na funding. Ang i-allocate to help ito rin. Sinabi niya sa governors na kinausap niya kahapon,” saad nito sa dzBB.

Una nang nagsagawa ng aerial inspection ang pangulo kahapon para sa mga lugar na sinalanta ni “Odette” at nakipagpulong na rin sa mga local government officials.

Ayon pa kay Nograles, nakahanda na rin ang mga ipapamahaging family food packs at non-food items na nagkakahalaga ng P1 billion.

Habang ang Department of Public Works and Highways ay itinakda na rin ang kanilang clearing operations sa mga apektadong probinsya partikular sa Visayas at Mindanao.

“Sa evacuation centers, mayroon po tayong evacuees na mga 74,680 families so ito ‘yung mga kailangan nating tulungan,” dagdag nito.

Samantala, ngayong araw ng Linggo ay inaasahang bibisita sa Bohol at Cebu ang pangulo ayon kay Senator “Bong” Go.