-- Advertisements --

Aabot sa mahigit kumulang P2,000, 000.00 ang danyos sa nangyaring sunog kagabi sa Fajares Avenue, Oval Complex, Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Sa panayam ng Star FM Dipolog kay Pagadian City Fire Marshal Dionisio Cayudong sinabi nito na nagmula umano ang sunog sa isang abandonadong opisina ng Department of Interior and Local Government at kumalat ang apoy hanggang sa opisina ng Department Agrarian Reform.

Maswerte naman na naagapan agad at walang nasaktan sa nasabing sunog kung saan napag-alaman na ang naturang lugar ay napapalibutan rin ng mga opisina ng iilang ahensya ng gobyerno.

Ngunit hindi umano nakaligtas sa sunog ang isang Honda Civic Sedan na pagmamay-ari ng isang empleyado ng DAR na kasalukuyang nakaparada sa harap ng gusali.

Umabot naman sa halos isang oras ang pag-apula sa sunog bago ito dineklarang totally fire out.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil naturang sunog.