-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – (update) Tinatayang aabot sa P2 milyon ang pinsalang iniwan ng sunog na tumupok sa 40 bahay na nangyari sa Sitio Bantud, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.

Una rito, sinabi ni FO3 Franklin Arubang, arson investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Malay na pasado alas-3:00 ng madaling araw nang makatanggap sila ng report sa naturang sunog na umabot ng isang oras bago idineklarang fire-out.

Karamihan sa mga naabo ay mga boarding houses.

Ang nasabing sunog ay pinagtulungang apulahin ng BFP, Boracay Action Group-Boracay Fire Rescue Ambulance Volunteers (BFRAV), water tankers ng Boracay Tubi System, Inc. (BTSI) at Boracay Island Water Company (BIWC).

Nabatid na noong Marso 30, naitala ang pinakamalaking sunog sa Boracay at apektado ang 60 istraktura na kinabibilangan ng mga establisyimento, residential at boarding houses.

Pumalo naman sa mahigit sa P22.5 milyon ang danyos habang noong Enero 27 ay 38 istraktura rin ang naabo sa naturang lugar.