-- Advertisements --

NAGA CITY – Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang pagkawala ng P2 million ng isang retiradong pulis sa Buhi, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si retired Pol. Col. Napoleon Jutur Taduran, 56-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pol. Capt. Efren Dela Cruz, hepe ng Buhi-Philippine National Police, sinabi nito na ipinarada ng biktima ang kanyang sasakyan sa tabi ng kalsada kung saan naroon ang kanyang pera na nakalagay sa isang back pack bago dumalo sa kaarawan ng kanyang kaibigan.

Madaling araw na umano nang makauwi ang biktima at doon na nito napansin ang pagkawala ng kanyang back pack laman ang nasabing cash na kanyang retirement benefits.

Kasama pa rito ang kanyang wallet na may lamang P25,000 at mga identification cards.

Ayon kay Dela Cruz, piniling dalhin ng retiradong pulis ang pera kaysa iwan ito sa kanilang bahay dahil natatakot na posibleng mapasok ng masasamang loob.

Napag-alaman na kaka-withdraw lamang ng biktima ng kanyang pera mula pa sa Lungsod ng Naga bago nangyari ang insidente.