CEBU CITY – Nakumpiska ng PNP ang halos P2 milyon halaga ng pinagbabawal na gamot mula sa isang pintor at menor de edad sa isinagawang buy bust operation sa Sitio Laguna, Brgy. Basak Pardo, sa lungsod ng Cebu.
Sa pinagsanib-pwersa ng Drug Enforcement Group (DEG) Visayas at Pardo Police Station, nahuli ang drug personality na si Wilfredo Parides, 26, at ang 16-anyos na pinaghihinalaang drug runner.
Ayon sa hepe ng DEG-Visayas na si Lt. Col. Glenn Mayam, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang residente tungkol sa diumano’y illegal drug trade ni Parides.
Dagdag pa ni Mayam, isinailalim nila sa 10 araw na surveillance si Parides at napag-alamang may mga bumibisita umano sa nirerentahan nitong pamamahay gabi-gabi.
Nakuha mula sa subject ang 275 grams ng shabu at nagkakahalaga ito ng P1.8 million.
Nakakulong na si Paredes sa detention cell ng Pardo Police Station at kakasuhan ito ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Habang nasa kustodiya naman ng DSWD ang 16-anyos na na-rescue sa naturang buy bust operation.