-- Advertisements --
JEEP

Nakatakda na namang magpatupad ng malakihang oil price hike ang mga kumpanyan ng langis sa susunod na linggo.

Ayon sa mga energy sources, papalo sa P1.90 hanggang P2 ang umento ng kada litro ng gasolina, P1.40 hanggang P1.50 naman sa diesel at P1.30 hanggang P1.40 sa kerosene.

Ito na ang ika-walaong sunod na linggo na nagkaroon ng oil price hike.

Lumalabas na mula noong Agosto 31, nasa P7.15 na ang naging umento sa kada litro ng diesel, P5.40 sa kada litro ng gasolina at P6.75 naman sa kerosene.

Pero kung ang presyo sa dagdag ng presyo mula Enero ay nasa P17.85 na ang umento sa kada litro ng gasolina, P16.50 sa diesel at P14.19 sa kerosene.

Kung maalala nitong linggo ay naghain na ng petisyon ang grupo ng mga tsuper sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para hilinging magkaroon ng P3 na umento sa pasahe sa mga public utility vehicles (PUV).

Sinang-ayunan ito ng grupo ng mga commuter dahil umaaray na rin ang mga tsuper sa serye ng oil price hike sa bansa.

Kung maaaprubahan, P12 na ang base fare para sa mga pampublikong sasakyan.

Pero ayon sa LTFRB, hindi raw nila kayang ibigay ang P3 minimum fare hike para sa public transport.

Sinabi ni LTFRB executive director Joel Bolano na base sa kanilang year-on-year computation, hindi dapat mas mataas sa P1.26 ang dagdag sa pasahe.

Aniya base na rin ito sa memorandum circular na pinagkasunduan ng LTFRB dahil na rin sa halos linggo-linggong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.