LEGAZPI CITY – Pumalo na sa kabuuang P20.28 million ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura na naidulot ng pagputok ng bulkang Bulusan sa Sorsogon nitong Linggo lamang.
Ang naturang tala ay mula sa tatlong bayan na apektado ng pagbagsak ng abo, partikular na ang Casiguran, Juban at Irosin.
Pinakamalaking bahagdan ng pinsala ay sa mga tanim na palay.
Sa kabilang dako, ilang mga residente ang nanindigang mananatili lamang sa kanilang tahanan dahil ligtas pa naman sa banta ng Bulusan volcano.
Karaniwang dahilan ng mga ito, walang mapag-iiwanan ng mga alagang hayop.
Ayaw naman dalhin sa Sorsogon Dairy Farm na pansamantala sanang inalok na kanlungan ng mga ito dahil mas lalong magiging pahirapan ang pagpunta sa mga alaga.
Sa ngayon, umakyat na rin sa 2,784 na pamilya o 13,920 individuals ang apektado ng abo mula sa Mt. Bulusan.