Target na simulan ang pagbebenta ng murang bigas sa halagang P20 kada kilo sa mga Kadiwa center sa Metro Manila sa Biyernes, Mayo 2.
Subalit, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inaantay pa ang approval mula sa Commission on Elections (Comelec) para ma-exempt ang P20/kilo program mula sa election spending ban at para matiyak na hindi ito magagamit ngayong panahon ng halalan.
Ang NFA rice ay dating ibinibenta sa merkado sa presyong P29 hanggang P33 kada kilo. Paliwanag ng kalihim ang naturang inisyatiba ay alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Kabilang sa mga maaaring makabili ng murang bigas ay ang vulnerable sector gaya ng indigent o miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, person with disabilities (PWDs) at solo parents. Papayagan lamang ang mga ito na makabili ng hanggang 30 kilo kada isang buwan.
Sa Huwebes o Mayo1, target na ilunsad ang P20 rice program sa Cebu habang sa Mayo 2 naman sa KADIWA Centers sa Metro Manila.
Planong inisyal na ilunsad at ibenta ang programa sa 8 Kadiwa centers sa Metro Manila kabilang ang Kadiwa center sa Bureau of Animal Industry, Bureau of Plant and Industry, Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) sa Las Piñas, Bagong Sibol market sa Marikina city, Disiplina Village Ugong Valenzuela city, Navotas city hall, PNP-Camp Crame sa Quezon city at sa ADC Building ng Department of Agriculture.
Samantala, tiniyak naman ng DA na magandang kalidad at ligtas kainin ng publiko ang murang bigas.
Sakali namang hindi pagbigyan ng Comelec, iuurong ang bentahan pagkatapos na ng eleksyon. Inaasahang magtatagal ang pilot program hanggang Disyembre at planong isagawa ang malawakang bentahan ng murang bigas sa Enero 2026.