-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Winasak ng Bureau of Customs (BoC) ang nasa higit P20.7-milyong halaga ng assorted imported cigarettes na kanilang nasabat sa daungan ng Mindanao Container Terminal ng Tagoloan,Misamis Oriental nitong Miyerkules.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Mindanao Container Terminal collector John Simon na ang nasabing mga sigarilyo ay kanilang naharang sa magkaibang daungan na sakop ng rehiyon na pinag-isang dinala sa Cagayan de Oro City para sabay-sabay na wasakin.

Inihayag ni Simon nasa higit 10 consignees ang nakasaad sa mga dokumento na hawak nila subalit kahit isa ay walang nagpapakita upang magbigay paliwanag kung bakit nagpasok sila ng mga produkto na walang duties and taxes.

Natuklasan na kadalasan sa mga sigarilyo na winasak ng Customs ay nagmula sa bansang Tsina na nagsimulang dumating sa buwan ng Marso hanggang Setyembre 2020.

Una rito, nasa 2,150 reams o 188,824 na packs ng assorted cigarettes ang sinira ng gobyerno sa loob ng isang warehouse ng Barangay Bayabas sa Cagayan de Oro kaninang umaga.