KALIBO, Aklan – Nasa P20 milyon ang ipinangakong tulong-pinansyal ni Christopher Lawrence “Bong” Tesoro Go upang maipatayong muli ang nasunog na pampublikong pamilihan sa kanyang pagbisita sa Kalibo, Aklan.
Si Sen. Go ay nakipagpulong sa mga biktimang negosyante at vendors kasama sina Aklan 1st district Rep. Carlito Marquez at Governor Florencio Miraflores na ginanap sa Magsaysay Park, Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Ikinalungkot din ng senador ang nangyari matapos na personal na makita ang nasunog na public market na itinuturing sentro ng komersyo sa lalawigan ng Aklan.
Maliban dito, nag-abot din ng tulong-pinansyal at grocery sa mga stallholders ang senador na mula umano sa sarili nitong bulsa.
Samantala, magkakaroon na aniya ng malasakit center ang Aklan bilang one-stop-shop sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong.
Sa kabilang dako, napawi ang pagod ng mga biktima sa ilang oras na paghihintay sa senador matapos na magbigay aliw ang mga kasamang actor nito na sina Philip Salvador at Robin Padilla.
Una rito nasunog ang 80 porsyentong bahagi ng public market noong Setyembre 15 kung saan, 276 stalls ang naabo na nagdulot ng P35 milyon na danyos.