-- Advertisements --
sandiganbayan

Ibinasura ng Sandiganbayan ang civil suit na inihain ng pamahalaan laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos at asawa nito na si Imelda at kanilang mga anak na sina Irene and Ferdinand, Jr. at isang nagngangalang Constante Rubio.

Sa desisyon na inilabas nitong araw, sinabi ng 4th division ng anti-graft court na ibinasura ang Civil Suit No. 0002 dahil sa kabiguan ng may sakdal na mapatunayan ang alegasyon laban sa mga akusado.

Si Division Chairperson Justice Alex Quiroz ang nagsulat ng desisyon, na may concurrence nina Associate Justices Maria Theresa Mendoza-Arcega at Maryann Corpus-Manalac.

Inihain ang kaso ng Office of the Solicitor General noong 1987 at naamiyendahan noong 1990.

Bukod sa P200 billion na danyos sa recovery ng estimated P250 million ill-gotten wealth, humihingi rin ang Presidential Commission on Good Government ng P50 billion na moral damages, P1 billion exemplary damages, at attorneys’ fees.

“On a final note, the Court acknowledges the atrocities committed during Martial law under the Marcos regime and the ‘plunder’ committed on the country’s resources. However, absent sufficient evidence that may lead to the conclusion that the subject properties were indeed ill-gotten by the Marcoses, the Court cannot simply order the return of the same to the national treasury,” bahagi ng desisyon na inilabas ng Sandiganbayan.

Bago ang naturang desisyon nanalo rin ang mga Marcoses nang i-dismiss din ng Sandiganbayan ang P102 billion forfeiture complaint laban sa dating diktador at kay Mrs Marcos.

Ito ay liban sa pagbasura rin nitong taon ng anti-graft court sa isa pang forfeiture case kontra sa Marcos family at mga spouses na sina Fe at Ignacio Gimenez na kinasasangkutan ng P267.37 million alleged ill-gotten wealth.