Nagpapasaklolo ang grupo ng mga employers sa gobyerno na tulungan ang mga maliliit na negosyo na posibleng hindi makapagbigay ng 13th month pay sa pagsapit ng buwan ng Disyembre.
Inamin ni Sergio Ortiz-Luis Jr., presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), inihahanda na nila ang sulat at idadaan sa DTI na sana maglaan ang gobyerno ng P200 million na ipapautang sa mga small and medium industries na walang interes at maaaring mabayaran sa loob ng isang taon.
Umaasa naman kasi ang mga negosyante na baka sa papasok na bagong taon ay makakabawi na ang negosyo sa bansa.
Sa pagtaya ni Ortiz baka abutin sa tatlong milyon ang mga manggagawa ang hindi raw makakatanggap ng 13th month pay na nakasaad sa batas dahil sa nagsara na ang mga negosyo bunsod ng epekto ng pandemya.
Batay pa sa pagtaya ng ECOP nasa 800,000 na SMEs o small and medium enterprises ang nagsara na.
Kung saan 70 porsyento raw sa mga ito ay nasa National Capital Region.