-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Legazpi City Mayor Noel Rosal na ilang mga proyektong imprastraktura ang hindi na muna itinuloy ngayong taon upang may magamit na pondo sa vaccination program.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rosal, umaabot sa P200 milyon ang halaga ng naturang mga proyekto na karamihan ay para sa pagpapagawa ng tulay, kalye at iba pang mga gusali.

Binigyang diin ng alkalde na mas importante sa ngayon ang pagbili ng bakuna na malaki ang maitutulong sa pagpuksa ng coronavirus disease upang mas mabilis rin na makabawi ang ekonomiya ng lungsod.

Sakaling maging matagumpay ang vaccination program target na ni Rosal na buksan ang ekonomiya sa susunod na taon.

Sa ngayon, nakapila ang lokal na gobyerno sa pagbili ng bakunang Novavax habang may ilang health workers na rin sa lungsod ang nabigyan ng Sinovac at AstaZeneca vaccines.