-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Naglabas ng P200,000 pabuya ang LGU-Kabacan, North Cotabato sa mga taong makapagtuturo sa pumatay sa isang negosyante at brgy chairman.

Sa ginanap na Municipal Peace and Order Council Meeting na pinangunahan ni Mayor Herlo Guzman Jr., nagkaisa ang mga opisyal ng bayan na maglabas ng pabuya na P100,000 sa kaso sa pinatay na negosyante at P100,000 din sa pinatay na brgy kapitan.

Una nang pinagbabaril ang mag-asawang negosyante sa bayan ng Kabacan kung saan nasawi si Jonna Baylin Racquel, habang sugatan ang kanyang mister na si Danny Jarabata Racquel.

Pinagbabaril hanggang sa mapatay din si Brgy Lower Paatan Brgy Chairman Ben Ilisan Kandanganan habang ito ay papunta sa kanyang sakahan.

Apela naman ni Mayor Herlo Guzman Jr. sa taongbayan na makipagtulungan sa pulisya at militar para maiwasan ang mga kaso ng pamamaril at manatili ang katiwasayan sa bayan ng Kabacan.

Agad din daw na magsumbong sa mga otoridad kung may mapapansin na mga kahina-hinalang kilos ng indibidwal o grupo sa lugar at maging alerto.

Pinaigting na rin ng Kabacan PNP sa pamumuno ni Major Realan Mamon ang seguridad ng bayan at imbestigasyon sa sunod-sunod na kaso ng pamamaril.