Magdudulot ng isang malaking multiplier effect sa ekonomiya ng Quezon City sa paglikha ng mga bagong trabaho at kita ang Php21.3 bilyon na University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na Diliman Project ayon kay Anakalusugan Party-list Rep. Michael Defensor.
Makakalikha rin aniya ang proyekto ito ng nasa 3,400 na mga permanenteng trabaho.
Batay kasi aniya sa kanilang pag-uusap sa mga detalye nito ay makalilika ng 1,500 na bagong full-time na trabaho para sa mga medicat at allied healthcare staff, at 1,900 na new fixed positions para naman sa general administrative workers.
Dagdag pa niya, ay bubuo rin ng libu-libong mga bagong trabahong may kinalaman sa konstruksyon ang unang yugto ng nasabing proyekto na pakikinabangan naman ng mga low-income households.
Lilikha rin aniya ng mga maliliit na negosyo sa paligid ng 24-hour operation ng nasabing hospital sa oras na matapos na ito.
Ang pasilidad ay itatayo sa 4.2 ektarya ng bukas na lupa sa loob ng 493-ektaryang UP Diliman campus. Ito ay magkakaroon ng kabuuang sukat sa sahig na 80,000 square meters at 13,600 square meters para sa paradahan ng kotse.
Ang bagong pampublikong ospital ay inaasahang makatanggap ng 2,000 outpatient na pagbisita bawat araw at 39,196 in-patient admission bawat taon.