-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Matatanggap na ng mga biktima ng lindol sa probinsya ng Cotabato at Davao Del Sur ang tulong na pinansyal ng bansang China.

Mahigit P21-milyon na cash donation mula sa People’s Republic of China ay tatanggapin ng Local Government Units ng magkatabing lalawigan na grabeng sinalanta ng lindol.

Nagkakahalaga ng tig P3,087,142-pesos ang tatanggapin ng pitong mga bayan sa North Cotabato at Davao del Sur.

Bago lamang ay nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng Department of Interior Local Government o (DILG-12) at ng mga local government units kung saan nakapaloob ang kabuuang P21, 610, 000-pesos na cash donation.

Apat na mga bayan sa probinsya ng Cotabato ang makakatanggap ng nasabing donasyon na kinabibilangan ng Kidapawan City, mga bayan ng Mlang, Tulunan at Makilala.

Sinabi ni DILG 12 Regional Director Josephine Cabrido-Leysa, nakadepende aniya sa mga local government unit ang paggamit ng naturang halaga pero nilinaw ng opisyal na kinakailangang ilaan ang naturang pondo sa tamang proyekto.

Sumaksi naman MOA signing sina Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, Makilala Mayor Armando Quibod, Mlang Mayor Russel Abonado at Tulunan Mayor Pip Limbungan.