CEBU CITY – Umabot sa higit P22 million na halaga ng shabu at marijuana ang nasabat ng PNP sa isinagawang mga operasyon sa lalawigan ng Cebu.
Una rito, binunot at sinira ng Danao City PNP ang marijuana plants na nagkakahalaga ng P4.1 million sa Brgy. Licos, Danao City at nagbunsod ito sa pagkahuli ng umano’y mga cultivators.
Nakilala ang mga suspek na sina Benjie Depositario, Inosentes Depositario, Berting Depositario at Melvin Depositario.
Nakuha rin mula kay Berting ang isang caliber .45 na pistola at limang live ammunitions ng nasabing armas.
Pagkalipas ng kalahating oras, nasabat na naman ang P10 milyong halaga ng marijuana plants sa Brgy. Langosig ng nasabing lungsod, mula sa mga subject na sina Kim Acedillo, Jusan Acedillo at Jaime Remesis.
Ayon kay Senior Master Sergeant Rene Camargo ng Danao City PNP pawang mga high value target ang nahuli at napabilang umano ang mga ito sa drug watchlist.
Samantala nakarekober naman ang P8.1 million na halaga ng shabu sa isinagawang drug buy bust operation ng Drug Enforcement Group (DEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. Kalunasan, sa lungsod ng Cebu.
Nahuli ang subject ng operasyon na si Raffy Abaya, 23, residente ng Brgy. Lorega sa nasabing lungsod.
Ayon sa hepe ng DEG-Visayas na si Lt. Col. Glenn Mayam na naging miyembro umano ang naturang subject sa isang drug group sa Cebu.
Nakatakdang kasuhan ang mga naaresto dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) at illegal possession of firearms (RA 10591).