-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Baguio City ng P255-million na pondo mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na gagamitin sa socialized housing project.

Ayon kay City Planning at Development Coordinator Dona Tabangin, sakop ng pondo ang pagpapatayo ng mga istruktura sa 1.8-hectare na loteng pagmamay-ari ng lungsod.

Inihayag niyang sa pamamagitan ng nasabing pondo, makakaya ng lunsod na magpatayo ng walong istruktura para sa 270 socialized-housing units na malapit sa road networks, mayroong bio-filtration plants at solar panels sa bubong.

Ipinaliwanag ni Tabangin na 40 porsyento lamang sa lote ng lungsod ang papatayuan ng mga istruktura dahil ang 60 porsyento ay gagamitin para sa green spaces na tutulong sa rehabilitasion sa pagilid ng Baguio City.

Ang Baguio City ang kauna-unahang lokal na pamahalaan na nakatanggap ng nasabing pondo mula sa DHSUD.